TV5 aired the interview on August 17, 2014

 

Atty. Mel Sta Maria: Tatlo po ang sangay ng ating gobyerno: ang Kongreso; ang Hudikatura; at ang Executive department. Hindi po Kongreso at hindi rin po Korte Suprema ang nagpapatakbo ng ating bayan. The President runs the affairs of the government. Siya po ang pang araw-araw na humahanap ng mga sagot sa ibat’ iba nating mga suliranin. Ang pasanin ay mabigat kaya po’t ngayon, mapalad tayo at makakapanayam natin ang taong nangangasiwa ng ating gobyerno: ang Kagalang-galang na Presidente ng Republika ng Pilipinas, Benigno S. Aquino III.

 

Magandang araw po.

 

PRES. AQUINO: Magandang araw.

 

Atty. Sta. Maria: Sir, bago po ang lahat gusto ko kayong batiin sa mataas na approval rating na SONA—ng State of the Nation Address—kasi po madaming nagtaka kasi bago niyo—bago kayo magtalumpati, ang daming mga inihaing impeachment cases; binabatikos kayo sa mga pag-aatake diumano sa Korte Suprema at kalalabas lang nga ng DAP (Disbursement Acceleration Program) resolution. Pero, in a matter of one and a half hours, e mukha atang nagbago ang tema. Ano po ang paliwanag niyo diyan?

 

PRES. AQUINO: Palagay ko, simula’t simula, ano, parating totoo ‘yung sinasabi ko sa aking mga boss, at ‘yung problemang nakikita ko na iliwanag sa kanila ay talagang nanumbalik na ganoon pala ang usaping ito; naliwanagan sila at dahil totoo ‘yung ipinaglalaban natin, sila sumasang-ayon sa totoo, palagay ko ‘yon ang natural at dapat kaalinsunod ‘nung pagpapaliwanag nang mahusay.

 

Atty. Sta. Maria: Dati-dati nakikita namin kayo Mr. President na nakikipag-usap sa mga mall o sa mga restaurant; ‘yung Pulso ng Bayan medyo derecho niyo talagang nadadama pero ngayon nakikita namin kayo kung merong mga trahedya, kung may mga delubyo nandoon kayo nagbibigay kayo ng mga pamudmod. Paano niyo po bang napupulsuhan pa ang kutob ng bayan?

 

PRES. AQUINO: Well, kunyari pati ang pamumudmod, nagpunta kami ng Tacloban, na traffic kami; nagkaroon ng pagkakataon na may nakatabi akong mga tao, tinanong ko, ‘Kamusta ba? Dumarating ba ‘yung pagkain na inirereport sa aking dinedeliver sa inyo?’ Sabi niya, ‘Okay ho kami dito; walang problema sa pagkain.’ Sa partikular na barangay medyo malapit-lapit sa airport—nakalimutan ko na ‘yung number ‘nung barangay. Pero… Minsan nakakapunta ng mall, may magpapa-picture. Kadalasan hindi na ako pinagsasalita, silang nagsasalita.

 

Atty. Sta. Maria: Talaga po, ano pong sinsabi nila?

 

PRES. AQUINO: Well, kahapon for instance, may awarding ‘nung ating National Scientist. So about two or three of them, lumapit sa akin, ‘yung kanilang mga kamag-anak after ‘nung pictorial. ‘Natutuwa ako sa ginagawa niyo, ipagpatuloy ho niyo’ or may nagsasabing ‘pinagdadasal namin kayo araw-araw.’ Maraming ganoong mga komentaryo e. Basta nagkaroon ng pagkakataon nga.

 

So hindi ko naman masabing ini-encourage ko naman na kunyari nagpunta ka ng mall e… Kalahating biruan nga namin, may binili akong rubber shoes e, siguro mga ten minutes, pero ‘yung para matapos ‘yung picture taking mga tatlong oras. Pero ang mga opportunities na ganoon na nakaka-interact or kung minsan, ano, imbitahin akong magtalumpati kung may pagkakataon, ‘Puwede ba dialogue na lang imbes na talumpati?’ May mga eskwelahan na pumapayag ‘dun basta para makuha kung ano talaga ang sentimyento nila na wala ng filters.

 

Atty. Sta. Maria: Alam niyo, Mr. President, alam naman ng taumbayan na ang pasanin ng Pangulo ay napakabigat. Ano nga ba, gaano nga ba talagang katindi ang tungkulin ng isang Pangulo?

 

PRES. AQUINO: Number one, isandaang milyong Pilipino ang responsibility ko. Hindi naman nasa Pilipinas lahat. Kung parating… Kung ano mang mangyari sa anong panig ng mundo, ‘Ano ba ang ginagawa ng gobyerno’ ang parating tanong. For instance, Libya; 2011 kung hindi ako nagkakamali ‘yung pag-aalsa laban kay Gaddafi. Meron tayong… ‘Nung umpisa hindi naman maibigay sa akin ‘nung ambassador kung ilan ang Pilipinong nandoon; kung 13,000 o 26,000. Eventually, nailikas natin ‘dun 20,000. Tapos nagkaroon ng normalcy; napayagan ulit bumalik ‘dun. Ngayon, meron na naman tayong nililikas na hindi naman 26,000 pero medyo marami-rami, tapos ang problema ‘yung meron tayong tinatawag na Stage 4 na Alert, Mandatory Repatriation na tinatawag. Iuutos ng gobyerno talagang mapanganib na diyan, kailangan na kayong lumikas, at gagawan ng gobyerno ng paraan. For instance, dati noong 2011, umabot na tayong mag-charter ng barko e. Marami tayong kababayan sasabihin na dito may trabaho kami triple ang kinikita namin ngayon keysa nung normal, babalik kami sa Pilipinas walang tiyak na trabaho, e ipagsasapalaran na namin dito. Ngayon, kung kayo rin ‘yung parang halos literal na may bomba nang tumama sa ikalawang kanto mula kung nasaan sila ‘dun nila sasabihin, ‘Puwede na ho kaming lumikas.’

 

Atty. Sta. Maria: Oo, napakahirap.

 

PRES. AQUINO: So nakaka-frustrate kung minsan na ang hirap makakuha ‘nung barko na papasok dahil danger zone, tapos iilan-ilan ang makakasakay—isa y’on. Tapos talagang maraming… ‘Yung parang siguro hindi naman nagkakaiba ‘nung panahon ng mommy e. Sabi ko, parang ang mommy nagbalik mula dictatorship pinuntang democracy. Sabi ko, para maihalintulad mo ‘yung trabaho niya sa isang kusinero. Ngayon, kung may recipe ka lahat ng ingredients nandyan; nakagawa ka ng masarap na pagkain, competent ka. Pero ang nanay ko parang binigyan ng tubig at saka konting asin tapos sinabi ‘Oh, gawin mong Bulalo ‘yan.’ So basically ganoon pa rin ‘yung trabaho.

 

Atty. Sta. Maria: Nasabi niyo Mr. President minsan nakaka-frustrate kasi basta’t malapit na ang delubyo o sakuna saka lang ‘Ito na kami, aalis na kami.’ Mula ‘nung naging Presidente kayo ang dami ng mga nangyari, halimbawa, ‘yung unang Truth Commission ay na declare na unconstitutional. Nandyan ‘yung Sabah crisis at nandyan ang mala-agresibong kilos ng Tsina, at iba pa. Nagbago na ba ang ekspektasyon niyo sa sarili ninyo sa inyong makakayang baguhin sa ating lipunan?

 

PRES. AQUINO: Palagay ko hindi nagbago ‘yung batayan na kung saan gawin ko ‘yung magagawa ko, bahala na ang Diyos ‘dun sa kukulangin ko. At kadalasan, ano, parang binibigay niya sa atin ‘yung ‘wherewithal’ na tinatawag para magawa ‘yung dapat gawin. Realistic naman ako ‘nung pagpasok ko dito kung ano ba talaga ang magagawa. Balikan ko nga, yung mga unang grupong lumapit sa akin na tumakbo sinabi nila sa akin, ‘Hindi namin inaasahan na sa loob ng anim na taon babaguhin mo ‘yung buong bansa natin pero sana maumpisahan man lang ‘yung nangyayari para hindi naman tayo lalong lumubog nang lumubog sa kumunoy ng kawalang pag-asa.’

 

At palagay ko nalampasan na natin ‘yon. Siyempre, nagugulat na rin kami sa mga naabot natin dito. I mean, ‘Sick Man of Asia,’ ‘yung jobs na generation ‘nung nag-umpisa. Paano nga ba natin gagawin ‘yan? Mahal ang kuryente natin. Ano ba talaga ‘yung comparative advantage natin, etcetera, etcetera. Tapos ang nirereport ngayon naka-produce tayo ng 1.6 million new jobs in 2013. ‘Yung investment grade status, nagulat ako na for the first time and everybody in agreement ‘yung si Standard and Poor’s, si Fitch, at saka si Moody’s; nag-upgrade pa ‘yung isa sa kanila ulit.

 

Atty. Sta. Maria: Nasabi niyo nga po ‘yan sa inyong SONA at talagang isa ‘yan sa mga achievement na talagang napuna ng mga tao. Mabalik po ako ‘dun sa SONA. Pero meron ring mga nagpupuna na mukha atang hindi niyo nadiin ‘yung direksyon na patutunguhan ng ating gobyerno sa susunod na taon o sa one and a half years. Parang ang binigay niyo lang ay ‘yung estado nga ng mga nangyari na sa ating bayan pero ‘yung direskyon hindi pa. Mapapaliwanag niyo po ba ‘yon?

 

PRES. AQUINO: Kadalasan hindi ko sinasabi ‘yung parating dahil naniniwala ako ‘dun sa baka mausog e. [laughter] Pero sabihin ko na lang sa inyo may basehan kung bakit natin masasabi na, lalo na sa larangan ng ekonomiya natin, kumbaga, meron na tayong naabot, hihigitan pa natin. Ngayon, sorry na lang, baka—manigurado na lang ako na hindi nga mausog itong mga nagdadatingan na mga investors, na talagang… For instance, siguro puwede ‘ko naman i-share ‘yon. Manufacturing alone. Mataas ang presyo ng kuryente natin; malaking bagay sa manufacturing ‘yung presyo ng kuryente pero nagdadatingan dito. At ‘pag dumating dito hindi maliit, hindi pipitsugin.

 

Merong isang car manufacturer, ang pinag-uusapan nila ngayon ‘yung gaano kalaki ang ipo-produce nilang sasakyan dito kung… Kunwari…. ‘Yung manufacturer talaga, ano, kung 40,000, kung 100,000 o 200,000 units per year; at isa lang sila ‘dun sa mga papasok or nakapasok na at nag-i-expand. Tapos… And marami pang other sectors. Siyempre, ‘yung Mindanao, ano. ‘Pag nagkaroon ng katahimikan, talagang… Bago pa tayo naglagda ‘nung Comprehensive Agreement meron ng mga investors sa palm oil. Ngayon na palapit tayo nang palapit ‘dun sa kaganapan ‘nung katahimikan ‘dun ay mag-a-accelerate lalo ‘yon.

 

Atty. Sta. Maria: Ang sabi nga nila, Mr. President, na ang pinakapangawalang dokumentong pinakaimportante sa isang pamahalaan, bukod sa ating Saligang Batas, ay ‘yung budget, ‘yung GAA (General Appropriations Act) kasi sapagkat diyan nakikita ang pilosopiya ng gobyerno sa mga gugugulin nila at mga priorities nila dito sa ating GAA na inihain ngayon sa Kongreso. Ano po ba ang malawak na pilosopiya niyo at ano ang pinakamalaking ginugol niyo sa kaban ng bayan?

 

PRES. AQUINO: ‘Dun sa tinatawag na social services, basically education, ‘yung health—‘yan ang talagang pinaglalaaanan natin. Paniwala namin pinakamatinding resource natin ‘yung ating mga kababayan at ‘yung investment para sa ating panatilihing pag-angat ng ekonomiya ay dapat i-invest natin sa ating mga kababayan. So, as usual, dinagdagan na… ‘Yung for instance, ‘yung Department of Health—sorry, baka hindi na tama ‘yung figures ‘ko—pero last… As of the last budget—well, the current one—na times three na mula ‘nung nag-umpisa kami at ito nga ‘yung pati ‘yung expansion nung PhilHealth kasama na rin ‘dun para ‘dun sa tinatawag na bottom quintile e, sagot na ng gobyerno lahat or sagot ng PhilHealth lahat, in-expand natin ‘yung coverage, in-expand natin ‘yung services.

 

Sa education naman hinahabol natin na mas focus either sa DepEd o sa CHED (Commission on Higher Education). ‘Yung CHED, ‘yung state universities and colleges, kailangan may kapakipakinabang ‘yung inyong institusyon diyan sa lugar kung saan kayo nakatalaga. For instance, sa Bicol University merong isang nagngangalang Professor, si Dr. Arboleda; siya nag-develop ‘nung coco quire at saka coco peat—mga byproducts ng niyog. Sabi niya, napakaraming studies dito—rice and corn. Sa Kabikulan, pangunahing produkto niyog. Bakit pinag-aaralan natin ‘yung hindi syang pangunahing produckto kung saan tayo nakatalaga? So ‘yon meron na tayong parang isang planta na mag-i-explore ‘nung lahat ng produkto ‘nung coconut in a commercial basis lampas ‘dun sa copra. So pinondohan ng estado ‘yan. Again, tapos ‘yung DepEd pinaghahandaan rin ‘yung K to 12 na parang by next year, ang pagkaintindi ko tapos na lahat nung classrooms na idadagdag.

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, bigyan niyo nga kami ng idea kung paano niyong pina-prioritize ang mga layunin o objective ng bansa natin, kamukha na lang ‘yung kaninang sinabi ko ‘yung agresibong mga kilos ng Tsina, di ba. ‘Yon defense ‘yon. Ang laking problema ng Pilipinas ‘yon kasi nga hindi tayo—parang hindi tayo pinapakinggan ng Tsina kahit naghain tayo sa isang international tribunal; at ‘yan ang sinasabi niyong social services lalo na nagkaroon ng ‘Yolanda;’ at edukasyon. Hindi ba po’ yung mga classrooms at mga suweldo ng mga guro. Sa inyo, bilang Presidente, paanong kumikilos ang inyong kaisipan para malaman ang mga prayoridad ninyo?

 

PRES. AQUINO: Well, ano ba ‘yung talagang pinaka may urgency, ano. For instance… At saka ‘yung realistic goals. Pero ‘dun sa guro, hindi lang pala suweldo ang pinag-uusapan natin. Meron ding pension arrears na hindi binabayaran ‘nung dating gobyerno na nag-prohibit sa kanila sa pag-uutang sa GSIS, ‘yung kanilang benefits hindi makuha. Natapos na rin natin ‘yung suliraning ‘yan. Naibayad na finally ng gobyerno ‘yung pagkakautang. I-point out ko lang, hindi kami naglabas ‘nung polisiyang hindi i-remit ‘yung kanilang dapat i-remit.

 

Paano ipa-prioritize? Kunyari ‘yung sa usapin sa Tsina. Hindi lang naman sa atin ang hindi pinapakinggan. Nakita naman niyo ‘yung Vietnam kamakailan tapos marami pang mga ibang bansa. Sa Spratlys, sa ASEAN na lang, apat ang bansang may mga kanya-kanyang competing claims. So realistic goal. Ano ang ibig sabihin ng realistic goal? Siyempre, kailangan naman nating mabigyan ‘nung kaukulang kasangkapan ang ating Sandatahang Lakas. Pero having said that, hindi naman natin siguro dapat i-devote na magkaron tayo ng parity or some semblance of parity. Ano ang ibig sabihin ‘nun? Nuclear power at super power ang China. Dapat ba maging—meron na rin tayong nuclear arms. Palagay ko bawal sa Saligang Batas ‘yan at saka mukhang hindi dapat natin ilagay ‘yung kaban nung bayan ‘dun sa pagkakaron ng ganoong mga armas.

 

Atty. Sta. Maria: ‘Yung puntong ‘yan, Mr. President, parang ang sinasabi niyo ngayon, napakalawak ng problema ng bayan pero ang daming limitasyon ng isang Presidente, kagaya ng sinabi niyo: limitasyon sa Konstitusyon. Hindi tayo puwedeng magtayo ng nuclear power plant o nuclear weapons dito sa Pilipinas—isang limitasyon ‘yan, at ‘yung mga limitasyon ng mga previous commitments ng mga dating administrasyon. Paano kayo… Kamukha niyan, Mr. President, madaming limitasyon—limitation on resources, previous commitments, time, availability of time. Paano kayo gumagawa ng—naglilikha ng mga solusyon para malampasan niyo ‘yang mga limitasyon na ‘yan?

 

PRES. AQUINO: Number one, napakahusay na biniyayaan ako ng Diyos na mahusay ang Gabinete ko. So lahat e, hindi naman nandito para sa personal aggrandizement, di ba; nandito sila para gawin ‘yung kanilang mga advocacies, na gawin ‘yung tama para sa ating taumbayan, at ‘yon ang basehan e. Ano ba ang tama? For instance, may Laguna Lake Dredging Project; P18.7 billion. Minana naming kontrata ‘yon supposed to be. At [inaudible] namin na… Ano bang gagawin doon? Kukuha ng putik sa lawa ng Laguna de Bay, ililipat nila sa parte ng Laguna de Bay. Maglalaro tayo ng putik; ang halaga, P18.7 billion para raw dumami ang water holding capacity. Obviously, pag hindi mo tinanggal ‘yung putik na nandoon, ino-occupy pa rin ‘yung espasyo, hindi na dadami ‘yung tubig at hindi ‘yon ang pangunahing isyu. Deforestation na [inaudible], at saka ‘yung informal settler communities na ginagawang parang basurahan ‘yung ating lawa.

 

So ‘dun, puwede namang hindi na tayo tumalo e. Pinabayaan na lang natin, ginugol na lang ‘yung dinatnan namin e, sorry na lang, pero hindi ho ‘yon ang tama.  Ang tama, hanapan ng paraan para hindi maapi ‘yung kababayan natin na mawawalan ng P18.7 billion para sa kanilang mga pangangailangan. For instance, in comparison, housing para doon sa ating kasundaluhan, kapulisan ‘yung unang phase, mga nasa 4 billion lang yata ’yon e, at nakalimutan ko exact number of houses pero papunta na tayo sa 50,000 houses this year.  So sabihin na nating mga 20,(000)-25,000 ‘yung first phase—4 billion ‘yon.  Ito P18.7 billion na maglaro ng putik.  So parang napakaklaro, di ba. Hindi ganoon kahirap ‘yung desisyon.

 

Now, again, balik tayo, siyempre, lahat ng departamento mag-a-argue, kailangan mas malaki parte namin ng budget. So hinahabol namin dito, at the end of the day, paano ba naging kapaki-pakinabang ito sa taumbayan ngayon. Hindi puwedeng 20 years from now may pakinabang siyang ganyan. Kunyari DOST, sinabi may kakulangan kami, ‘yung doppler radar, for instance, para ma-measure gaano kalakas ‘yung ulan na babagsak. ‘Pag binibigyan tayo ng storm signal noong araw, alam lang natin ‘yung hangin pero malaking bagay, lalo kunyari ‘Ondoy’—ang laki ng baha. Kailangan rin nating malaman: saan ba babahain at kailan babaha? At kailangan kong malaman muna, gaano kalaki ang ibabagsak na ulan kung saan para mai-trace mo, alin bang river system ang tatamaan nito, sino bang at risk? Para ‘yung kababayan natin, minimum, mabibigyan ng 6 hours na warning. At palagay ko, napapakita, napapabawas nang napapabawas ‘yung ating casualties tuwing may ganyang klaseng sakuna. 

 

Atty. Sta. Maria: Nabanggit niyo ang Gabinete ninyo, madaming bumabatikos sa ilang mga Gabinete ninyo, at meron pang nananawagan na dapat tanggalin na itong Gabinete ninyo, not necessarily because masyado silang—o maitim ang mga balak nila kundi ‘yung public trust ng ating kababayan ay—sa ibang tao ay nawala na. Paano niyo pong tinutugon ito?

 

PRES. AQUINO: Well, number one, tingnan natin muna sinong nagsasalita? Baka naman ‘yung nagsasalita hindi pa ho ako Pangulo binabatikos na ako. Kung ang basehan naman natin e, libre ka sa batikos para manatili sa Gabinete, palagay ko napaka-ineffective na Gabinete ho ‘yon. Bakit ho ano? Kunyari, Secretary ka ng DPWH; papa-bid kayo ng kung anong infrastructure, kalsada. Siyempre, pag may bidding ho maraming sasali, pero isa lang ang puwedeng manalo. Hindi naman puwedeng manalo lahat. Panahon ho ni Ping de Jesus, bilang kalihim sa Public Works and Highways. Siya ang nag-isip ng mga flyover e. Bago ‘nun, baka hindi na alam ‘nung kabataan ngayon, lahat itong intersection na ito may stoplight. Stop and go, stop and go, imbes na tuloy-tuloy ‘yung biyahe. Noong ginagawa ‘yan, ano bang batikos kay Ping? Ang ingay, ang alikabok, ang trapik, etcetera, etcetera. Sinampahan pa siya ng katakut-takot na kaso. Hanggang panahon ni Presidente (Fidel V.) Ramos, bago natapos yung mga kaso niya—mga half-way through the term ni Presidente Ramos bago natanggal. Puwede namang ginawa ni Ping de Jesus, para walang magalit sa akin, oo-han ko na lang lahat or wala akong gagawin. Kunyari, may bidding, wala na lang bidding para walang magagalit sa akin. So balik ako, part and parcel ng trabaho ng executive e.

 

Atty. Sta. Maria: Parang sinasabi niyo, Mr. President, ‘yang opisyal na ‘yan ay walang ginawang masama, walang ginawang mabuti, wala lang ginawa?

 

PRES. AQUINO: Noong araw ho ‘yon.

 

Atty. Sta. Maria: Noong araw ‘yon? 

 

PRES. AQUINO: Dito, hindi ho tayo pumapayag na “no talk, no action, no mistake,” talagang tsini-check. Itong kinomit (commit) niyong gagawin at a particular point in time, bakit ka late?

 

Atty. Sta. Maria: Paano niyo nga bang tsini-check ‘yung inyong mga secretaries, mga Gabinete? Araw-araw ba, minu-minuto?

 

PRES. AQUINO: Hindi naman ho. Wala naman hong matutuwa kung minu-minuto.  At saka ‘pag umabot na sa puntong, kunyari, maco-call ‘yung attention ko, or may kinomit (commit) sa akin—sabi nga ho ng ibang sekretary ko, grabe raw ho ‘yung memorya ko; hindi raw ho ako nakakalimot.  So, sabihin ko, ‘Nung nag-usap tayo tungkol dito, pinangako mo sa akin, ganito, medyo nandito na tayo sa petsang ito, ano nang nangyari?’ Tapos ‘pag umabot kami sa pangalawa, pangalawang beses on the same topic, talagang pinariringgan ko ng, “Hindi ako masaya, baka gusto mo ng iwasto na ‘to.”

 

Atty. Sta. Maria: Hanggang kailan po, hanggang kailan po ang pasensiya niyo?

 

PRES. AQUINO: Umaabot na ‘yung… ‘Pag pangalawa na on the same topic, medyo sinasagad na ‘yung pasensiya ‘dun.

 

Atty. Santa Maria: Ayun, mabilis.

 

PRES. AQUINO: Well, palagay ko naman ho, reasonable ‘yung ini-expect ko sa kanila; hindi ko pinipilit gawin ‘yung imposible. At nagmula ho, silang nagco-commit to do such a thing at such-and-such a time.

 

Atty. Sta. Maria: Mapunta po tayo dito sa kontra-SONA ni Senator JV Ejercito, isa sa mga pinaka-diniin niya…

 

PRES. AQUINO: Hindi ko ho napakinggan personal ha.

 

Atty. Sta. Maria: Pero ito ang isang diin niya, ‘yung tinatawag na selective justice natin sapagkat nga po ang mga nakasuhan lang ng pandarambong ay si Senator Enrile, Ejercito at saka si Revilla. Parang ang sabi e, wala na atang continuation ang Blue Ribbon Committee, pati ang DOJ (Department of Justice), ang Ombudsman, parang tumigil na sila sa imbestigasyon. Ano po ang masasabi niyo diyan sa mga batikos na ‘yan?

 

PRES. AQUINO: ‘Di ko malaman saan nanggaling ‘yung tumigil ‘yung imbestigasyon dahil after this, may second set na nai-forward na ng DOJ sa Ombudsman, tapos alam ko, may third set na rin na tinatapos, ‘yung paglilikom ng ebidensiya, ibibigay sa Ombudsman. Pero number one, trabaho ho ng Ombudsman ‘yon, hindi ho ng Executive. Number two, ‘yung tatlo hong nauna, e palagay ko ho,yung tinatawag na multiple incidence e, ‘yon bang mas maraming pagkakataon na kinu-kuwestiyon itong tatlong nauna kaysa ‘dun sa iba. Kasi meron hong iba na baka isang beses o dalawang beses, e hinahanapan mo ng pruweba, mas madali siguro ‘yung paulit-ulit kesa ‘yung paminsanan. At trabaho ho ng Ombudsman naman ang magsampa ng kaso na may ‘yung maganda ang tsansang manalo rin, ‘di ho ba? Kasi parati ko ngang pinapaliwanag, hindi naman parang magsampa ka lang ng kaso, may achievement na e. Kung merong nagkamali mula noong umpisa—palagay ko kung ire-research niyong konti ilang beses ko ng sinabi ito—the measure is ilan bang napakulong as opposed to hinabla? Puwede ka namang maghabla ng kasong ampaw, dinismiss (dismiss) dahil ampaw nga ‘yung kaso, tapos hindi mo na puwedeng mahahabla ulit ‘yung taong ‘yon doon sa offense na nahabla mo na siya.

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, itong ating mga kababayan, naiinip rin sa mga gulong ng hustisya nga dahil parang ang tagal-tagal. Kayo ba, kayo ba naiinip na rin kayo kasi ang termino niyo ay mga one and a half years na lang, at siguro ang palagay ko lang, gusto niyong magkaroon ng katapusan sa loob ng termino niyo, pero nangangamba kayo baka hindi niyo makita ang katapusan nito?

 

PRES. AQUINO: Well, again no, reasonable expectation, ilang beses ko namang sinabi publicly? For instance, the Constitution talks of the Supreme Court having two years to decide on a particular case. Alam natin hindi nami-meet ‘yon. At ‘yon na nga, ‘yung in-interview natin si Chief Justice Sereno, either as an Associate Justice or as a Chief Justice, isa din sa mga pinag-uusapan ‘yan; plataporma ko ‘nung pagtakbo, judicial reform. Bakit nga ba ganito katagal ‘yung ibang kaso? Actually, ‘nung naupo ako, ‘dun ako nasabihan na may mga kaso pa raw ‘yatang 1960s nag-umpisa, hindi pa rin natatapos. Or bago naman tayo naupo, di ba, ‘yung flip flopping decisions, ‘yung tinatawag na naghusga na ang Kataas-taasang Hukuman at ito na, may finality, tapos binalik-balikan. 

 

So frustration? Medyo. ‘Yung Maguindanao massacre, nadadama ko ‘yung nadadama ‘nung mga pamilya. Kailan ba ang hustisya? Pero alam rin natin, ang dami naman talagang isinakdal diyan, lampas isandaan, na lahat kailangan mong kunan nung personal circumstances, kailangan mong i-arraign, kailangan mong dinggin ‘yung mga applications for bail, etcetera, etcetera.

 

Atty. Sta. Maria: Mapunta tayo dito sa Korte Suprema, Mr. President, at hindi natin mapapagkakaila ‘yung desisyon nila sa DAP kasi sabi nila ‘yung acts and practices sa pamamaraang DAP ay unconstitutional. Ipaliwanag niyo nga, Mr. President, kung ano talaga ang epekto ng pagdedeklarang ‘yan sa kakayahan niyo bilang Presidente makapag-serbisyo.

 

PRES. AQUINO: Balikan muna natin, ano bang pinag-umpisahan ‘nung DAP, ano. Meron kaming Cabinet meeting hours before the 2011 SONA, literal po ‘yon, ano, 10 (a.m.) sabihin natin nag-umpisa ‘yung meeting tapos ‘yung SONA will be at 4 (p.m.). Ni-report ng Department of Education, sa target nilang over 8,000 classrooms for 2011, as of July, last Monday of July of 2011, ang na-produce nila la-labingwalo. Tapos siyempre, unang tanong, why? ‘Yung dulong tanong: Anong mami-meet niyo for 2011? Tapos ang sagot nila sa akin, parang maximum na, 4,000—kalahati or kulang nang sa kalahati ‘dun sa target nilang taong ‘yan. So, nasabi ko na ilang beses ho ito, ano ho ba ang savings? ‘Yung savings sa pamamahay—good; nakatipid si misis sa pamimili—good. 

 

Sa gobyerno ho, ‘pag may savings at hindi nagmula sa efficiency—bad. Bakit ho bad? In-authorize ‘nung Kongreso, pondohan itong mga classroom na ‘to, ginastos niyo, nagkaroon ng classroom–good for the community. In-authorize ng Kongreso, dagdag ang rural health units, naitayo si rural health unit, nailagay si doktor o si nurse o si midwife na may gamot, di ba, napakinabangan ng komunidad—good. ‘Pag hindi ginastos ‘yung budget, ‘di wala ‘yung eskuwela, wala ‘yung RHU, wala ‘yung kalsada, nawala ‘yung good na dapat mapunta sa tao. So ‘pag savings ho sa gobyerno, lampas ng efficiency o ‘yung pagbubuti ng efficiency—bad. 

 

So balikan ko lang ho sa eskuwela. Hindi na nila mami-meet, meron kang budget para doon lampas sa apat na libong classroom. Anong gagawin natin diyan? Iwan na lang natin? Or puwede ba nating ilipat ‘dun sa mga programang inaprubahan rin ng Kongreso pero ini-stagger nga ‘yung execution dahil kulang ‘yung budget para—baka masagad ‘yung proyekto.  So, ang pananaw po namin, mukhang mas mabuti, ilagay ito ‘dun sa mga—‘yung mabilis na kumilos, na maide-deliver ‘yung good sa tao at next year, mas konti na ‘yung kumpetensiya ng DepEd in that particular case ‘dun sa budget para madagdagan naman ‘yung sa kanila, para makahabol ‘dun sa backlog nila.

 

Atty. Sta. Maria: May mga nagpupuna po, Mr. President, na ‘yung proseso ng DAP, kung kayo ang mangangasiwa ay maaaring wala ngang mangyari sapagkat kahit na sa oposisyon, ang sinasabi naman nila ay ang sinseridad ninyo ay hindi maku-kuwestiyon. Pero sa mga susunod na Presidente, halimbawa, itong nalatag na pamamaraan ng DAP, baka daw maabuso, ‘yon ang kinakatakot nila. Anong masasabi niyo ‘dun?

 

PRES. AQUINO: Ii-institutionalize natin kung paano ho ginawa. For instance, ano, merong Section 38 ng Admin Code na nagsasabing puwedeng mag-impound ang Presidente. Dito ho iliwanag ko lang. Hindi ko in-impound. Hindi ko sinabi sa departamento, ‘Huwag niyong gastusin.’  ‘Yung mga departamento nagsabi sa amin dahil sa ganitong dahilan, dahil sa ganyang dahilan, hindi namin magagastos. So, for instance, ‘pag kunyari, in-apply ‘yung Section 38, baka puwede nating ilagay, babalik ang Presidente sa Kongreso, at sasabihin sa Kongreso, kailangan i-impound ‘yung budget dahil ganito, kunyari, to manage the deficit. Ipaliwanag mo na. ‘Oh, dadalhin sa ganito.’ Para maliwanag, may transparency, ilagay natin… I-amend natin ‘yung Admin Code para i-reflect ‘yon, o ‘di mapapangalagaan natin.

 

Ang punto lang ho dito, ‘yung sa parang nangyaring desisyon, at sa pagkaunawa natin, ‘yung good na dapat mangyari, pinipilit na, kunyari, puwede kayong mag-declare ng savings December 31. E kung ‘dun pa lang sa kalahati ng taon, sinabi na nga ng departamento, ‘Ito ‘nung ini-implement na namin, talagang hindi puwede.’ Kunyari, DPWH. ‘Yung right of way para din sa kalsadang ito, hindi matapos-tapos, hindi namin maumpisahan ‘yung kalsada, ‘yung pagkukuha ‘nung right of way.  So, nai-deliver natin sa iba. Kunyari, Department of Health ang talagang may pangangailangan, ‘dun natin ilagay o baka TESDA kayang mag-hire—magpaturo pa ng dagdag na tao na magkakaroon ng trabaho. 

 

Di ba, huwag nating tanggalin ‘yung abilidad na, di ba, tulad ng ano mang kumpanya, ‘yung resources at… ‘Yun ho ang training ko e, economist e. Maximum utility of the resources. So, may pondo, magamit na natin para ma-deliver ‘yung good at the best possible time.  Kung hindi puwede ‘tong rutang ito, dalhin natin sa kabilang ruta na inaprubahan rin ng Kongreso. Ulitin ko lang ho ‘yon, ano. Wala kaming nilagyan na inimbento namin. Lahat ho nito, tinatawag namin, may bahay, inaprubahan ng Kongreso at kung if at all, in-accelerate ‘yung mga achievement of their targets. 

 

Atty. Sta. Maria: Nasabi niyo na nga po ano, na napahiwatig niyo na rin yung suntok sa buwan ang Motion for Reconsideration pero habang nagmo-Motion for Reconsideration po kayo e may nagpupuna at nagsasabi, gugugulin na lang sa paglilikha at pag-iisip ng iba pang mga pamamaraan na hindi naman lalabag sa Constitution pero makapaghahatid rin ng efficient service sa ating bayan. Ginagawa niyo rin ba ‘yon?

 

PRES. AQUINO: Kinukwestiyon namin ‘yung paglabag sa Konstitutsyon ha, kaya nga nag-Motion for Reconsideration. Now, gugulin na lang ‘yung oras para mag-isip ng paraan. Na-announce ko na po ‘nung SONA e. Hingi kami supplemental pero ‘yon… Para sumunod na lang doon sa pananaw naming itong inuutos ng Korte Suprema. Ang problema lang ho, kanina pinapaliwanag ko nga ho doon sa isang kausap ko, ano bang ibig sabihin ‘nun?

 

Ang budget natin may parte nilikom natin revenues, may parte inutang natin dahil deficit tayo. So ‘yung inutangan natin paglalaanan ito iba’t ibang mga programs, activities and projects… Tapos biglang tinanggal na nga e, puwede nating sabihing savings. So dati ‘yung pagkukunan mo hindi rin magastos, dalhin natin dito na kayang gumastos. Itong kailangang gastusan naman kung pagpapatuloy natin tulad nung mga DAP originally funded na hindi na puwedeng ipagpatuloy, hingi tayo supplemental, ‘pag pinayagan nila, uutang na naman tayong panibago dahil hindi natin puwedeng gamitin ‘yung dating inutang hanggang matapos ‘yung taon, supposed to be. So dalawang beses tayo nagbabayad ng interes—number one.

 

Number two, may impact ho ‘yon sa deficit. Ang instructions ko: hingi tayo ng supplemental sa Kongreso pero hindi puwedeng i-breach natin ‘yung tinatawag na “allowable deficit” dahil maaapektuhan ‘yung credit rating natin, tataas ‘yung interes na ibabayad natin sa uutangin natin, hindi nakakatulong sa bansa ‘yon. ‘Yung investment grade status natin dahil sa fiscal management nga na pinapakitang pababa nang pababa ‘yung ating deficit in relation to the GDP (Gross Domestic Product). So sayang, ano. Andiyan na, iniwan mo doon sa hindi makakagamit at ‘yung may pangangailangan naman na pinahinto, kailangan mong hanapan ng ibang pondo, na dahil deficit tayo, uutangin natin. Sayang naman ‘yung ibabayad natin sa interes na sana napunta na lang sa taumbayan.

 

Atty. Sta. Maria: Bago ko po iwanan ang Korte Suprema, hindi ko lang po maiwasan na itanong sa inyo itong mga iba’t ibang mga nangyayari, na maaaring wala naman kayong kinalaman. ‘Yung mga pag-iimbestiga sa JDF (Judiciary Development Fund) sa ating Kongreso; ‘yung paghihingi ni (Bureau of Internal Revenue) Commissioner (Kim) Henares ng mga SALN (statement of assets, liabilities and net worth) ng mga Justices natin; at ‘yung may mga pagpate-threaten, ika nga ng ibang mga congressman na “baka i-impeach kayo namin.” So ito ba po ay merong kinalaman, ika nga, sa desisyon, una; at pangalawa, ‘di ba po ito ay parang bumubuo ng tinatawag nating ‘constitutional crisis’?

 

PRES. AQUINO: Wala pa naman ho tayo sa constitutional crisis at sinusubukan natin maging ama ng bayan na nagpapayapa sa lahat. Pero may nagsasabi na rin sa akin, “Matapos kang sinampal-sampalin, ininsulto’t niyurakan, ihaharap mo ‘yung kabilang pisngi.” Sabi ko, “Kesa naman magkagulo-gulo tayo. Importante yatang walang fried chicken…” Now, JDF. Kung tama ang pagkaalala ko, nasa Kongreso pa ho ako noong naghain ng impeachment o nag-impeach—impeachment nga laban kay Chief Justice (Hilario) Davide at isa sa isyu ‘yang JDF so, hindi ho… Matagal na hong isyu ng Kongreso ‘yan at Kongreso nga ang, di ba, ang may tangan ng purse strings. So ang hirap…. Parang oo nang oo raw na hindi ganoon ka-transparent.

 

SALN—nasa Constitution ho e. Kailangan kayong mag-file ng SALN muna tapos kailangan ‘yung sa mula sa akin—Presidente, Bise Presidente, Justice of the Supreme Court, heads of other constitutional commissions, tapos ‘yung dulo, officers of the AFP with flag rank have to declare—have to make this statement public. Puwede kong hanapin kung gusto niyo.

 

Atty. Sta. Maria: Nandiyan po ‘yan, alam ko po ‘yon. May isa pa po akong tanong, ano, Mr. President. Ito siguro, sa mga kataga nito baka suntok sa buwan ito. Itong JDF ay inisyu ito ni Presidente (Ferdinand) Marcos, isang Marcosian decree ito na nilabas noong 1984, July, wala pang isang taon nang pagkamatay, pagka-assassinate ng inyong ama. Meron bang kinalaman itong Marcosian—pagka-Marcosian nitong dikretong ito sa mga movement na baguhin ito?

 

PRES. AQUINO: Hindi ko ho alam kung may koneksyon niyan, ano. And again, ang major issue ‘yung transparency. Ano bang pumapasok; saan ba napupunta? Dahil trabaho nga ‘nung Kongreso naman ‘yon.

 

Atty. Sta. Maria: All right, okay, Mr. President, punta naman tayo sa ating Konstitusyon, ano. Sarado ba kayo sa pag-aamyenda ng Constitution, ‘yung tinuring ngang Cory Constitution hanggang ngayon?

 

PRES. AQUINO: Bago nito, lahat ng nangyaring ito, ay sarado, aminado ako. Pero ngayon napapag-isip ako talaga e, ‘yung tinatawag na “judicial reach.” Every time na… Di ba… Noong panahon ho ng Martial Law, ‘pag may nagtanong, “Tama ba ‘yung pag-impose ng Martial Law?” Ang sagot ho ‘nung Korte Suprema noong panahon na ‘yon, “Political question, hindi namin puwedeng pakialamanan ‘yan.” So itong ’87 Constitution, minandato sa kanila na dapat pakialamanan ninyo ‘yan. And in fact, doon sa provisions on Martial Law, any citizen, di ba, can petition the Supreme Court as to the factual basis for the imposition of Martial Law.

 

Atty. Sta. Maria: Tama po.

 

PRES. AQUINO: Ang problema lang ngayon, may nagtatanong: “Sobra ba?” The way phrinase na parang pinakasimple sa akin, ‘yung Kongreso, ‘yung Executive, kumilos kayo pero at any time puwede namin kayong kastiguhin. At parang imbes na magkaroon ng tinatawag na “judicial restraint,” ‘yon bang bibihira niyong gamitin itong kapangyarihang ito parang ang dalas raw ginagamit. Ngayon, ‘yung balance between the three branches tila nawala dahil katulad nga nito, ano, ‘pag binasa niyo sa DAP—sana hindi ko na pag-uusapan ‘yung DAP— ‘pag dumating kayo doon sa portion bago ‘nung tinatawag na “dispositive,” ‘yung utos ng korte.  

 

Atty. Sta. Maria: ‘Yung utos ng korte.

 

PRES. AQUINO: May dalawang paragraph at ‘yung paragraph, ‘yung immediately bago ‘nung dispositive, na nawalan ‘yung presumption of innocence; naging—kasi “prove good faith.” Hindi ina-assume na may good faith ka. So ‘yon ho, mukhang violative of the bill of rights with regards to presumption of innocence until proven guilty. ‘Yung presumption of regularity, nawala na naman yata ho doon. Regular until proven. Di ba, parang sistema natin, ‘yung nag-akusa may obligasyon na patunayan ‘yung kanyang paratang. Dito ho parang tama na ‘yung paratang hanggang mapatunayan ‘nung akusado na hindi niya ginawa ‘yung mga inakusa sa kanya. Merong tinata[wag]… ‘Yung iba ho medyo technical, di ba. Kayo ho, bilang abogado, alam niyo operative fact doctrine, ‘yung prospectivity—nawala lahat ho ‘yon e. So ‘yung tanong nga dito… Well, meron pa akong mga ibang issues, ano. For instance…

 

Balikan ko, tutal ilang beses ko nang pinag-usapan, malayo tayo sa DAP nang konti. Puwede bang inappoint ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo si Chief Justice (Renato) Corona? Puwede i-quote ko na lang ho, ano. Section 15 ng Article 7, siyempre sa Executive, nakalagay ho sa Section 15: “Two months immediately before the next presidential elections and up to the end of his term, a President or Acting President shall not make appointments, except—ulitin ko lang ho, idiin ko lang—shall not make appointments, except temporary appointments to executive positions when continued vacancies therein will prejudice public service or endanger public safety.” Ano pong facts? Inappoint si Ginoong Corona one week after elections. E nakalagay ho dito “shall not make any appointments” up—two months before and up to the end of the term. Saan puwedeng mag-appoint? Executive position lang. ‘Yung Chief Justice ho hindi Executive position—Judiciary ‘yon. Parang ‘yung mula sa… Dito ka lang puwedeng mag-appoint sa Executive, ang lumabas ho sa desisyon ‘yung ban applies only to the Executive. Mukhang nadagdagan ho ‘yung Constitution o na-rewrite. Pero hindi ho ako abogado…

 

Atty. Sta. Maria: So bukod pa po diyan sa mga usaping Hudikatura at sinasabi niyo na nga po e na medyo mukha atang hindi naman lubusang nagbabago ang inyong kaisipan para pag-amyenda ng Constitution.

 

PRES. AQUINO: Hindi, pero balik nga ho tayo doon. 

 

Atty. Sta. Maria: Sige po.

 

PRES. AQUINO: ‘Yung sa overreach, ‘yon nga hong problema. Dito, karapatan ba nila ‘yon na parang tila binago nga ‘yung batas. Napalitan ba ‘yung Constitution na hindi kaalinsunod doon sa mga provisions kung paano i-amend ang Constitution.

 

Atty. Sta. Maria: Parang ang sinasabi niyo, Mr. President, sa tatlong branches ng government, ang Hudikatura puwede kayong itigil; ang Hudikatura puwedeng itigil ang Kongreso; pero sinong titigil sa Hudikatura? Parang nawawala, ano. Bukod po doon…

 

PRES. AQUINO: ‘Yung balanse ho ang importante.

 

Atty. Sta. Maria: ‘Yung ‘check and balances’ na tinatawag, tama nga po ‘yon. Ngayon, Mr. President, bukod pa po doon sa isyu ng Hudikatura ‘yung almost limitless power nila sa paningin ninyo, ano pa po sa Konstitusyon ang parang nagbabago na ang isip niyo para amyendahan?

 

PRES. AQUINO: Well, meron naman… Lahat naman ho ‘nung ginawa ng tao… Ang tao ho kasi hindi perpekto e so, ‘yung gagawin mo hindi naman puwede maging perpekto. And sure ako marami pa hong ibang provisions na puwedeng i-fine-tune, puwedeng i-update. Kinakabahan ko lang ho ‘nung araw naman, baka naman ‘yung magagandang provision diyan ay ma-dilute.

 

Atty. Sta. Maria: Ayun—madamay.

 

PRES. AQUINO: Dahil ‘pag binuksan mo isang parte, bukas lahat. Ngayon, bago mo isugal ‘yung magagandang ‘yon, dapat naman siguro maipakitang imperative, ‘yon bang napakaimportanteng baguhin ito dahil nakakapahamak sa taumbayan. Kung hindi mapapakita ‘yon baka hindi tamang isugal ‘yung mga magagandang probisyon. 

 

Atty. Sta. Maria: Kamakailan po ay—hindi ko ho lang ito maiwasang itanong sa inyo—kamakailan po ay ‘yung mga usap-usapin na baka kayo ay i-extend niyo pa ang term niyo. Ito ho ay umiikot-ikot na. Meron hong nagbabalewala, meron namang nagseseryoso. Kayo po, ano po ang pananaw niyo dito? Kayo nga ba po ay may binabalak o talagang wala naman sa isipan niyo ‘yan?

 

PRES. AQUINO: Well, ‘nung pinasukan ko ho ito, ang tanda ko one term of six years. Ngayon, after having said that, siyempre, ang mga boss ko ho kailangan kong pakinggan rin e, at hindi ibig sabihin noon na automatic na hahabol ako na magkaroon pa akong dagdag dito, ano. Pero ang tanong nga doon: Paano ba natin masisigurado na ‘yung mga repormang nagawa natin—at ‘pag nina-natin ko, lahat ho ng—mula ‘yung nagbigay sa akin ‘nung mandato nandiyan nakikidamay sa akin, nasa gobyerno, wala sa gobyerno—na maging permanente na itong pagbabago natin. So pagkokonsulta ho sa mga boss ‘yon. Paano ba ang mas may katiyakan tayo na ‘yung pinaghirapan nating lahat ay talaga namang magkaroon na ng ugat at magkatotoo ng permanenteng pagbabago.

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, ito naman, mapunta tayo dito sa usapin ng Tsina. Isa ako, isa ako sa mga sumang-ayon sa inyo na ‘yung pagsasalarawan niyo o paghahambing niyo sa Tsina, ‘nung araw, na parang Hitler-like bully, ano po. ‘Yon pa rin po ba ang paningin ninyo sa sitwasyon na ito?

 

PRES. AQUINO: Alam niyo ‘pag kausap natin ang Tsina, and with all due respect, parang season-season e. May season na belligerent, may season na friendly; may charm offensive at merong panahon naman na hindi. Pero hindi ho tumitigil, ano. Kamakailan pinadalhan tayo ng report ng AFP, kung saan merong dalawang—ang tawag nila “hydrographic ships” na nandoon, na-sight ho sa tinatawag nating Recto Bank. ‘Yung Recto Bank ho, paalala lang, 80 nautical miles ho mula sa Palawan so, maliwanag na doon po sa tinatawag nating “exclusive economic zone.” Anong ginagawa nila diyan, anong studies nila? Sana hindi nagbabadya ito ng mas—‘yung may dagdag na naman o panibaging tensyon naman sa ating dalawa.  

 

For instance, alam naman natin ‘yung unang insidente ‘nung panahon ako’y Pangulo, nag-i-explore ‘yung barkong ang tawag yata ay “Forum Energy.” Meron ho tayong service contract bilang gobyerno na binigay dito sa kompanyang ito para i-explore for natural gas and oil. Tinaboy ‘yung barko ng Forum Energy na nag-o-operate sa ating EEZ ng isang Chinese vessel. ‘Yon hong una-unang insidente noong panahon ko e. Tapos nandiyan na naman itong mga barko nila doon sa parehong lugar—sa Recto Bank.

 

Atty. Sta. Maria: ‘Yung level ng frustration, Mr. President, kasi alam naman natin maliit na bansa lang tayo at wala tayong kakayahan militarily; at ito ngang pag-i-internationalize ng isyu, ‘yung ginagawa ninyo, madami rin pong humahanga, ano po. Hindi po ba kayo natatakot sa balik ng Tsina dito sapagkat sila po ang pinakamalaking ekonomiya dito sa Asya. Ano po ang pagpapaliwanag niyo diyan?

 

PRES. AQUINO: Siguro ang pinagpipilian ‘dun, mali ‘yung inaangkin nila ‘yung atin. Sasang-ayon tayo, saan ang hangganan? Makukuntento na ba—“Sige, pumayag na tayo dito, hanggang dito.” E ang lapit lang ho ‘nung Recto Bank, ‘yung 80 nautical miles e. Kung minsan nga ho nagbibiro ako at sana wala namang magalit sa example na ito. Naalala ho natin ‘nung panahon ng Kastila ‘yung lahat ng—‘yung Pilipino, ‘yung Kastila nakatira sa Intramuros sa umpisa. ‘Yung mga kapatid nating Tsino, e hindi pinayagang tumira sa loob; may sariling community sa labas. ‘Pag sinasabi nilang historical basis, baka naman maging kasama ‘yon sa historical basis—na sabay ang mga Tsino at saka ang mga Spaniards na nag-colonize sa Pilipinas kaya meron silang historical right dito. Pero parang pabiro ‘yon. Tila kung minsan napapag-isip ka na baka mas may sense pa ‘yon kesa doon sa ginagawa sa loob ‘nung kung Ayungin, kung Scarborough (Shoal), o Recto Bank.

 

Atty. Sta. Maria: Ito po namang usapin sa…. Pupuntahan ko itong isang pinaka-importanteng proyekto niyo, ‘yung Bangsamoro po. Nangangamba po ba kayo na baka hindi niyo makita ang katapusan o ang pagtagumpay nitong Bangsamoro entity sapagkat nga po mukhang, una, ang paningin ng iba ay nababagalan sila; at pagdating sa Kongreso ay meron po ba ‘yang mga debate. At meron pong nagkukwestyun sa Korte Suprema. At ‘yan po, ‘yan po ang sitwasyon ngayon. Meron ba kayong pangamba?

 

PRES. AQUINO: Well, nung pinasukan natin hindi naman natin sinabing hingin lang natin mangyayari na e. Talaga naman hong pagtatiyagaan e. Optimistic ako sa humaharap. Bakit? Ngayon pa lang na—maski bago ‘nung nalagdaan ‘yung Comprehensive Agreement, tumutotoo na ‘yung MILF sa kanilang mga binitawang salita sa atin. ‘Yung sa pagtutugis ‘nung mga matagal ng hinahanap nating mga kriminal, tumulong na po sila doon. May mga panahon na puwedeng nagkaroon ng tensyon o napataas ang tensyon, sumama sila sa pagpapababa ‘nung tensyon. So dito ho, palagay ko nandoon… ‘Yung lahat ‘nung nakalagay doon sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, nandoon pa rin ho at talagang kumbaga mas matibay pa. Kumbaga, ako lang ho ba ang mapapahiya? Sila rin mapapahiya. ‘Yung umaasa, madidismaya. Marami hong nagtutulong-tulong para mangyari ito.

 

Ngayon, talagang kung minsan nga ho ‘pag sa detalye, doon nagiging masalimuot. ‘Yung mga Amerikano parating sinasabing “the devil in the details” so, ganoon lang ho siguro talaga. Paano bang… Nagkakaintindihan tayo pero gusto nating maging napaka-comprehensive nitong Basic Law na wala ng makuwestyun o wala na tayong kailangang imbentuhin pagdating ng panahon, kung puwede nandiyan na. At ‘yon na nga ho, ano. Paano nga ho ‘pag may kulay? Nade-describe natin ‘yung kulay. Baka ‘yung isa, bright orange; ‘yung isa, light orange; ‘yung isa, dark orange. Puro orange ho ‘yung sinasabi pero… Alam niyo natatawa ‘ko, nabanggit ko ‘yung orange. Sorry, baka advertisement ho ito—generational gap. Gusto lang ho niyang bumili ‘nung Royal. So sinabi niya ‘dun sa waiter, “Royal true orange.” Sabi ho ‘nung waiter, “Orange juice ho ba?” Hindi na pala naintindihan ‘nung mas batang waiter ‘yung tawag ‘nung kabataan nitong umoorder. So ganyan lang ho e. Medyo… Palagay ko ‘dun sa—‘yung pinakalaman, hindi pinagtatalunan. Paano mo ipapaliwanag ‘yung laman? May konting issues pa ho.

 

Atty. Sta. Maria: Mapunta naman po tayo sa iba pang mga isyu. Itong malapit sa media, ‘yung Freedom of Information Bill. Ang Senado po ay natapos na nila ang kanilang pagbabalangkas sa bersyon nila. Ang Malacañang naman po ay nag-sumite na rin ng kanilang bersyon. Ito pong Mababang Kapulungan medyo nababagalan sa iba’t ibang mga kadahilanan. Papaano po natin mapapabilis iyon? ‘Yung inyong moral persuasion ay ginagamit niyo ba para itong ating mga tao sa Mababang Kapulungan ay bilis-bilisan naman?

 

PRES. AQUINO: Well, kasama na ho ‘yon, ano, pero ang hirap nga ho… Alam naman niyo, ingat na ingat akong i-certify ‘yung bill na urgent. Merong constitutional requirement kailan puwedeng urgent. Pero having said that, meron ho tayong 26 priority bills. For instance, kayo, paano ka ba mamimili alin ang una? E ako, wala ho akong choice na mamili ‘yung alin ang mauuna; lahat ito importante.

 

For instance, kailangan nating mag-hire ng dagdag na sundalo—20,000. Anong pumipigil sa atin? Meron hong mga batas na ini-index ‘yung kanilang—‘yung pension ng retirado doon sa salary ng kasalakuyan. ‘Pag tinaasan mo ‘yung salary ‘nung active, may kaalinsunod na pag-angat ‘nung pension. Ang problema ho ‘nun walang pension system. Puro galing sa budget. So by 2016, nasa 80-plus billion na ho ‘yung kailangan bunuin natin dahil wala nga—hindi sila miyembro ng GSIS. So pinag-aralan ng GSIS. Paano ba namin maisasama sa system namin. Forty years and below, puwedeng tanggapin. Magkano ang kailangan niyo? ‘Yung seed capital, di ba? ‘Yung isi-seed mo ‘yung pension system, i-invest nila, may pambayad sa ‘yung mga obligasyon pagdating ng panahon. Sabi nila ang kailangan namin P4.3 trillion. Letter “T” po ‘yon, hindi po “B.” So magkano ho bang budget na panukala natin ngayon? P2.6 trillion. So hindi magkakasya ‘yung P2.6 (trillion) para punuin ‘yung P4.3 (trillion). Hindi natin ma-hire ‘yung 20,000 na dagdag na sundalo. Bakit natin kailangang i-hire? Panahon na Presidente ang mommy ho, 250,000 ‘yung sundalo’t pulis. Ang population natin 50 million. Noong isang linggo ho nag-100 million na raw ho tayo. Ang sundalo’t pulis natin 250,000 pa rin.

 

Ngayon, may epekto rin ho doon sa sweldo na pag-i-increase sa government bureaucracy. I-increase natin ang sweldo, siyempre, damay rin ‘yung sundalo’t pulis. Kasama rin sa government employee. ‘Pag in-increase natin ‘yon, increase na naman ‘yung pension nitong mga retirado. So isa sa panukalang batas—sorry, medyo mahaba ho ito—ay ‘yung pag-aayos ‘nung pension system nga at pag-aayos ‘nung mga batas na nag-i-index ‘nung retirement benefits sa salaries ng current.

 

Ngayon, ang problema, meron… Kayo hong abogado, di ba, may vested interest. Lahat ‘nung na-hire na bago ‘nung naging batas ito, kailangan ituloy pa rin ‘yung indexing. Itong mga susunod ang hindi na papasok doon sa indexing. Hinihintay natin ‘yon. Meron ‘yung tinatawag na “fiscal rationalization.” Ang dami hong incentive scheme na ginawa na wala ng silbi ngayon o nagiging magkasalungat. So meron hong panukalang batas para iayos na ‘yung mga incentive schemes para maghikayat ng mga investors ay talagang kaalinsunod sa mga panahon ngayon ng mga pangangailangan—priority rin ‘yon. Siyempre, sa taas ‘nung priority si budget at saka ‘yung Bangsamoro Basic Law.

 

So ‘yung FOI ho, sinubmit (submit) na namin lahat ng inputs namin at wala ho kaming, hindi ba, sana mai-approve na nila kaagad. Pero ako rin naman ho habang nakikiusap, inunawa ko nakikiusap ako sa kanila. “Puwede ho ba niyong ipasa itong 26 na ito?” Kung puwede kahapon. E hindi naman ho puwedeng ganoong proseso. Aalma naman ho ang Kongreso; hindi naman ho sila rubber stamp.

 

Atty. Sta. Maria: Mapunta ako sa isa pa ring punto, Mr. President, ‘yung sinabi niyo ‘nung inyong talumpati sa SONA, na kung tutuusin isa lang ang taxes na pinasa ulit sa mga tao, ‘yung sin taxes na tinatawag.

 

PRES. AQUINO: Hindi ho sa lahat ng tao ha.

 

Atty. Sta. Maria: Hindi ho, sa mga meron lang mga bisyo. Ito lang po ay isang usapin ng coherence, ano, ‘yung isang batas na para kumuha o makalap ang madaming pera sa pamamagitan ng paggagamit sa mga bisyo ng mga tao, tapos meron naman kayong isang batas rin na nagsasabi na, “Ito bagong batas para huwag kayong bumili ng sigarilyo sapagkat makikita ninyo ‘yung mga larawan dito na talagang nakakapaglubha ng kalusugan ninyo.” ‘Yung coherence ho ng mga polisiya. Di ba po mukhang kabalintunaan ito?

 

PRES. AQUINO: Well, nandiyan na ho ‘yan e, ano. Talagang may umiinom, talagang may naninigarilyo. Isama ko na rin ‘yung sarili ko sa naninigarilyo; sa umiinom, hindi ho ako, ano. Ngayon, may binabayad ang estado pagpapagamot. ‘Yung ito ang… ‘Yung malaking bahagi ‘nung sin taxes naka-earmark sa health concerns, malaki sa Department of Health. Ngayon, ‘yung… ‘Pag napabawas natin—at maraming studies hong ganoon sa buong mundo—’yung nalilikom sa taxes versus ‘yung ginagastos doon sa—ng health para—ng health system para pagalingin ‘yung mga nag-indulge nang sobra nitong mga bisyong ito, ay lugi ho ang estado. So kung mapapabawas natin ‘yung mga—lalo na ‘yung sobra dito sa mga bisyong ito, bawas ‘yung gastusin ng estado. Kung in the interim, dumadagdag naman ‘yung pantustos natin sa pagpapagamot sa kanila, nababawasan na ‘yung pangangailangan na makihati sila doon sa mga paglalaanan ng mas kaaya-aya. So wala ho yatang discontinuity between the two. Ang target talaga at some point in time, sana hindi na natin—hindi na problema ito or napakaliit na ‘nung problema at na-free up mo ‘yung resources to more worthwhile causes and issues.  

 

Atty. Sta. Maria: Pumunta naman po tayo diyo sa pulitika, ano po, kasi po ay malapit na ang eleksyon e talagang madami ata ang mga taong pumuporma diyan at nagre-realign ng kanilang mga pagka-alyansa, ano po. Ito pong… Ano pong tingin niyo ngayon dito sa mga pangyayaring ito, ‘yung mga matatalim na pananalita, halimbawa, ng mga isa’t isa at mga iba’t ibang mga panig, nakapag-popularize ng mga tao natin, lalo na kung kainitan ng pulitika. Sa tingin niyo po ba hindi lang ang oposisyon o kaya ang mga kaalyado niyo ang gumagawa nito, pati na rin ang mga—let’s say mga advisers ninyo sa kanilang mga binibigkas sa mga press releases nila? 

 

PRES. AQUINO: Well, wala ho tayo ‘nung authorize na… Parang may trabaho tayo, gawin natin trabaho natin; may natitira tayong one year and ten months, ima-maximize natin ‘yon. Ngayon, doon sa mga kakampi ko ho, palagay ko sabi ko, ‘ano bang pinakamagandang endorsement kundi magandang estado ng bansa.’ Paano mangyayari ‘yan kung hindi tayo kikilos at kung, di ba, para bang… Parang impetuous siguro si Juan Tamad. Noong bata ako ang parating pino-portray kay Juan Tamad, merong parang bayabas ho yatang puno, nasa ilalim siya nakahiga sa katre; hinihintay mahulog si bayabas sa bunganga niya. Tapos ‘nung… Siyempre, ‘nung medyo mas may konti tayong edad, tinanong ko, “Paano kaya nagmula kung meron mang gumawa niyan, na ‘pag nahulog sa kanya overripe na ‘yon o kaya bulok.” Hihintayin mo imbes na pitasin mo ‘nung tama ‘yung—nasa tamang panahon na nandoon lahat ‘nung sustansya, ‘yung tamis, etcetera. So dito, balikan ko ho, hihilingin natin na gumanda ang bansa? Hindi mangyayaring ganoon lang ‘yon. Humiling tayo, manawagan tayo sa Diyos, magdasal tayo at kumilos tayo. At, di ba, pagdating ng kampanya, ‘yon na lang ang tatanungin e. Kaya ba niya ipagpatuloy ito o higitin?

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, irerekomenda niyo ba sa ibang tao maging Pangulo [laughs] sa dami ng problema at siguro sa…

 

PRES. AQUINO: Siguro ganito lang ho sagot doon: Maipapangako ko naman sa kanya na ‘di hamak ang laki ng deperensiya ‘nung minana ko sa mamanahin niya. Pero ganoon pa man din ho, may kasabihan rin naman ho ‘yung mga banyaga, kung gusto mo raw makabawi sa isang tao, engganyuhin mong pumasok sa pulitika. Siguro naman ‘yung pakikiusapan kong palitan ako ay kaibigan ko, hindi ko kalaban. So mahirap nga ho ‘yon, ano, na “please lang, ikaw naman pumasan nitong…”

 

Atty. Sta. Maria: Meron bang mga pagkakataon, Mr. President, na habang kayo ay nag-iisa, tinatanong niyo ang sarili niyo, “Bakit ba ako nandito sa trabahong ito?”

 

PRES. AQUINO: Well, baka ‘yung mas baliktad at nasabi ko na rin doon ho sa SONA and other occasions, at nagmula na rin ho sa mga magulang ko. Sinabi nila, ano e, in various instances may pagkakataon tinalikuran, di ba, parang… Sorry, pinipilit ko hong palitin. Subukan kong i-recall ‘yung sinabi ho ng mommy in particular, ano. Something to the effect na, “I would not have lived… I would not have been able to live with myself knowing that I could have changed things and I chose not to.” Pinahaba, medyo humaba nang konti. Hindi ganoon ‘yung exact quote pero ganoon ho ‘yung sense.

 

May pagkakataon, ano… ‘Yung… Balikan natin ‘yung konteksto. Noong 2010, ano ho siguro ang pangunahing ambisyon ng—baka nine out of ten Filipinos—“Paano ako makaalis sa Pilipinas?” Ngayon, hindi ko naman masasabing marami na hong nagbalikan pero marami na nga ho talagang nagbalikan. Merong mga anecdotal na sumakay sa jeep, balikbayan ang pasahero niya, tatanungin ‘nung jeep—ay, sorry, ‘nung jeep—‘nung taxi: “Kailan ho ba kayo babalik?”

 

So, ang punto ho nito, ‘nung tinanggap ko ‘yung hamon ganoon rin e, kaya ko bang tanggapin na kung ‘yung nine out of ten Filipinos aalis ng bansa noon baka naging ten out of ten na at puwede ko sanang nahinto or mahinto—mabawasan man lang ‘yung dagok sa Pilipinas at umatras ako dahil natakot ako dahil ayoko ‘nung konsumisyon, dahil gusto kong magtira nang konting buhok sa bumbunan ko—lahat na ho ‘non—e palagay ko hindi rin ako magkakaroon ng kakuntentuhan. Wala kong ginawa sa buong buhay ko kundi sisihin ‘yung sarili ko. Hindi sana nagkaganyan kung nakidamay ka o kung tumutoo ka doon sa itinuro sa’yo ng mga magulang mo, ‘yung pinaghirapan nila binigyan mo ng kahalagahan, hindi mo binalewala lang.

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, magbe-break po muna tayo. [Few minutes break.] Mabalik uli tayo sa pulitika, Mr. President, kasi alam mo ang pinakausaping nakakaintriga talaga ay ang pulitika; hindi natin maaalis sa mga Pilipino. Itong mga nalalathala na si Vice President (Jejomar) Binay at ang mga kapatid niyo ay parang may ipinapahiwatig sa mga media naman—media, hindi naman sa mga kapatid niyo at kay Binay—may nagpapahiwatig na, may mga alyansa na. Ano po ang take niyo diyan?

 

PRES. AQUINO: Well, tinawagan ko ho—tinext ko actually ‘yung panganay namin at saka Kris, ano, at tinanong ko, “Ano ba actually sinabi niyo ‘dun?” Tapos, I think, parang pareho sila sinabing, “Pinilit kami ng media to say something”—number one. Number two, parang ang gist ‘nung sinabi yata nila, “Kung magpapatuloy siya sa ginawa nung kapatid namin, thank you, or maganda,” which is not exactly the same as ikaw ang magpapatuloy. Pina-react sila doon sa statement na dapat naman ipagpatuloy ‘yung mga repormang ginagawa.

 

Atty. Sta. Maria: Ito bang mga ano niyo, mga kapatid niyo—mabaling ako dito sa mga kapatid niyo—ay nakapagbibigay ba sa inyo ng magaganda ring mga payo. Ibig sabihin ko is payo na nanggagaling sa mga pangkaraniwang tao kasi kayo po ay nakapaligid sa inyo ang mga expert, mga dalubhasa at mga matatanyag na mga kaisipan, ano po. May silbi ba po ‘yung mga opinyon na ‘yon?

 

PRES. AQUINO: Napakaimportante, ano, ‘yung keeping in touch with the people. E nakikinig ako sa mga boss ko. So silang nadadaanan, sila may mga… Silang dinadaanan ng mga opinyon, suhestiyon, reklamo, etcetera. Hindi ko naman ho ini-encourage na delubyuhin ‘yung mga kapatid ko; naawa rin naman ako. May mga buhay naman ho silang sarili nila. Pero madalas ho talaga personal nilang mga observations na nakikita sa labas, pinapasa nila sa akin tapos, siyempre, di ba, parang sa haba nang pinagdaanan naming mga pangyayari, sabi nga ho ng mga Tsino e ‘yung ‘interesting lives that we have lived.’ E nakakaasa ako na ‘yung sinasabi nila ‘yung pawang katotohan at katotohanan lamang.

 

Atty. Sta. Maria: Kung babalikan niyo, Mr. President, ang apat na taon ninyong paninilbihan bilang Pangulo ng Pilipinas, meron ba kayong maiisip na desisyon na sa tingin niyo ay meron kayong nagawang kakulangan kahit na papaano at nakapag-bigay aral sa inyo?

 

PRES. AQUINO: Well, ‘yung, for instance ‘yung parang commander-in-chief, chief executive, inutusan ko sa Manila hostage crisis ‘yung ating NCRPO commander, na kagagaling ng commander ng South na naintindihan kung paano mag-resolba ng ganoon. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang translation ‘nung command, naging—‘yung ating district director sa Manila Police District ang biglang nangasiwa na hindi kasing trained ‘nung NCRPO commander. So, sa totoo lang, si Mayor (Alfredo) Lim at that time, ating Secretary of National Defense, halos magkasunod pa sila nagsabing—‘nung nalaman ko kasing nangyayari ito, sabi sa akin, “Sir, huwag naman kayong pupunta doon, maging hands on commander.” Pareho nila akong kilala…

 

At more or less ‘nung time ay iniisip ko nga ako nang makipag-usap dito kay Captain Mendoza na, “Puwede bang ako nang nangangako sa’yo maresolbahan ‘yung isyu mo, halika, bumaba ka na dito.” I was really contemplating that, tapos para hindi na maka-complicate dahil siguro ‘nung ako’y congressman, ‘nung ako’y senador, kung ako’y ordinaryong mamamayan at puwede kong—at naisipan ‘yon, palagay ko gagawin ko ‘yon kung makakatulong. In this particular case, parang bago pa ako sa trabaho, mga roughly mga isang buwan, nakinig naman ako na marami akong idadamay doon sa desisyon kung akong pupunta doon at makipag-usap doon kay Captain Mendoza kaya nagpaawat ako.

 

Siyempre, nangyari na ang nangyari. Hindi natin malaman kung nandoon ako, nagbago o baka dinamay lang ako sa biktima pero, ‘yon na nga ano, ‘yung… ‘Yon siguro may regret doon. Actually pati liaison ng NCRPO kasama ko sa opisina habang mino-monitor namin; at ‘nung natapos na ‘yung araw, inabisuhan ako—hindi ko na banggitin kung sino ‘nung isa sa mga shall we say ‘yung on the scene commander—sinabi nilang, “Mukhang hintayan na lang ito; mukhang okay na.” Parang… Tapos bigla na lang gumalaw ‘yung si bus at doon na nga ‘yung panggagatong ng media raw, etcetera. Mula ‘yung paresolba na oras na lang pinag-uuspan, biglang nagbago ‘yung ihip at talagang naging bayolente itong si Captain Mendoza.

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, so far, Mr. President, what is your proudest moment as the leader of this country, so far up to this point in time? Ano sa tingin niyo ang pinakamagaling na nagawa niyo, so far, as the President?

 

PRES. AQUINO: Hindi ko kasi pinapananawan na ginawa ko e. Parati kong sinasabi ginawi natin, ano. Medyo marami-rami. Siyempre, meron ‘yung… Paano ko ba sabihin ‘yon? I’m being invited strongly for the Global Climate Summit in the UN in September. Nag-umpisa kay Ban Ki-moon noong nandito siya, tiningnan ‘yung mga ‘Yolanda’ relief efforts natin, at sinang-ayunan ni President (Barack) Obama, tapos ang Presidente ng World Bank ay, again, nagmungkahi and the other countries, ano. Pero beside ‘yung… Siyempre, besides all the foreign accolades that we’re getting, pinakaimportante sa akin ‘yung sinasabi ng mga kababayan ko, ‘yung it can be… Isang tao na nagsabi, “Alam ho namin pinapasan niyo. Kasama kayo sa dasal namin; kasama niyo kami sa pinagdadala at talagang natutuwa kami sa ginagawa niyo.” ‘Dun ako mas proud or a community will say that.

 

Alam niyo ‘yung contrast ho natin di ba, before ‘Yolanda’ na talagang sobrang massive. Mamili kayong krisis: Zamboanga, ‘yung Bohol. Paano nakakakilos ang gobyerno; paanong naagapan hindi parang napapadapa, na hindi malaman kung paano susolusyunan ito. Of course, ‘yung Yolanda talagang ibang klase ho ‘yon, ano, na sinarado lahat ng kalsadang dadaanan mo, airport, daungan. ‘Yung daungan may nakaharang na barko sa taas ‘nung daungan. ‘Yung lahat ‘nung sasakyan na gagamitin niyo para maglipat-lipat lang ‘nung relief goods at saka ‘nung shelter material, sila rin kasama sa nabiktima. Nawala ‘yung LGU sa ilang mga lugar at hindi na bumalik hanggang matagal-tagal nang lumipas. Pero before that ‘yung idea na nakakahanda ang gobyerno bago dumating ang sakuna. Even with Yolanda, hindi ba. Gaano kahaba ho ‘yung warning na hindi ho biro ito, talagang sobrang lakas ito na kailangan lumipat na kayo. Lahat ‘nung nasalba dahil ‘dun sa pakikinig ‘nung warning. Itong kay ‘Glenda,’ zero casualty sa Albay na nire-report. Doon ho proud tayo.

 

‘Yung investment grade status na paano ba natin palalakasin itong ekonomiya? Ngayon tinitingnan na tayong investment grade. At nangyari pa ‘yon noong panahon na lahat itong credit ratings agencies, very conservative; ingat na ingat na magsabi ‘nun dahil binatikos sila ‘dun sa mga maling prediction nila bago ‘yung crisis ng ‘07. So ang dami ho e, ano. Pero palagay ko ‘pag tinitingnan ko ‘yung… Siguro isama ko na rin, ano, pati ‘yung nagbabatikos sa akin, ano, na… Kasi dati ho bago ako napasok dito, hindi ba apathetic na ‘yung tao, para bang wala na namanhid na e. E ngayon, ‘pag ‘yung… Hindi ko naman sasabihin ho ‘yung pati ‘yung naghahanap ng kung anong ibabatikos sa panibago araw-araw, ano, pero ‘yung mga tao na kung minsan, may mga kritisismo katulad ‘nung mga FOI advocates na iba. Aba, okay ito, involve na naman ‘yung citizenry. Okay ito, na nakikialam sila sa mga bagay-bagay na huhubog ng kinabukasan nila kesa noong araw na talagang paano ba ako makatakas dito sa Pilipinas na ito. ‘Yon ho siguro pinaka… Nagbagong attitude ang pinakanagde-derive ho ng pride. 

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, noong August 1 ay anibersaryo ng pagkamatay ng inyong nanay at ngayong darating na August 21 ay anibersaryo naman ng pagpaslang sa inyong tatay. Hypothetical lang, Mr. President, kung makikita niyo sila ngayon, ano pong sasabihin niyo sa kanila?

 

PRES. AQUINO: Sanay ho ‘ko kasi silang nagsasalita sa akin e. [laughter] 

 

Atty. Sta. Maria: Pero sa pagkakataong ‘yon, anong masasabi niyo sa kanila?

 

PRES. AQUINO: E ‘di tingnan ko ho sila. Siguro parang pinaka-compliment doon pagtingin ko sa kanila ngingitian lang nila akong dalawa, ayun na ‘yon. Hindi ho nila style na “Uy, ang galing mo; dami mong nagawa.” Hindi ho e. Dapat lang nagawa mo ‘yung mga ‘yon. Kunyari noong grade school ho ako, parang naalala ko one time e, number three ako sa klase. ‘Di, “Dad, number three ako.” “Aba, okay ‘yan. Kailan ka ba magna-number one?” So parang… ‘Yung… Pero pareho naman ho silang ‘yung gina-guide kayo nang maayos pero talaga ring nagtutulak na masagad mo ‘yung kakayahan mo.

 

Atty. Sta. Maria: Mr. President, maraming salamat po sa pag-uunlak niyo sa amin ngayon, at sana po ang ating mga tagapakinig, tagapanood ay nagsuri at binuksan nila ang isip nila at nakita nila ang isang dimensyon ng isang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Maraming salamat po, Mr. President.

 

Kaibigan, diyan na po nagtatapos ang panayam natin sa ating Pangulo. At sa ating pakikipag-usap sa kanya at nakita natin na napakalaki talaga ang mga problema ng bayan pero mukha ata ang responsibilidad o kaya ay ang mga limitasyon ng Presidente o ang kapagyarihan niya ay hindi talaga masyadong naaakma sa laki ng ating problema. Merong mga limitasyon sa batas; may limitasyon po sa mga prior commitments ng prior admnistration; may mga limitasyon sa available resources, limitation as to time. Sabi nga ng isang political scientist na dalubhasang si Ted Sorensen. Kaya po siguro kung ating huhusgahan ang Presidente ‘yan po ang konteksto ng ating pagdedesisyon.

 

Ako po si Atty. Mel Sta. Maria. Magkikita po muli tayo. Magandang araw po sa inyong lahat.

 

From gov.ph